Source: http://alamuchachafea.multiply.com/journal/item/52/manong_sa_roxas_blvd.?&show_interstitial=1&u=%2Fjournal%2Fitem |
Excited
akong lumabas ng bahay nang marinig ko ang potpot ni Manong B na may
kasunod na sigaw na paborito at inaabangan ko gabi-gabi. Binuksan ko
ang gate namin at saka sumigaw ng “Manong!” Huminto naman si
Manong B sa harap ng bahay namin at saka nag-komento sa maulang
panahon ngunit nakangiti. Bumili ako ng isang penoy (dahil wala syang
balut) at isang balot ng kropek (dahil wala na rin syang chicharon).
Automatic na rin ang pagbuhos nya ng napakaraming suka sa bitbit kong
mangkok at hindi pumalya sa pagsasabi ng “Oh, para kapag nag paksiw
kayo.” Nagmamadali akong pumasok sa bahay para kainin ang mga
binili ko.
Ipinukpok
ko ang penoy sa dulo ng center table namin na gabi-gabi kong
ginagawang kainan. Napakunot ang noo ko nang makitang kakaiba ang
itsura ng hawak kong penoy. Kakaiba at di rin kanais-nais ang amoy
nito. Malas. Bulok ang nabili ko. Pero okey lang! May kropek pa naman
ako. Doble ang kunot ng aking noo nang malamang hindi malutong kundi
chewable ang kropek ko. Para hindi masayang ang sampung pisong
ibinayad ay ibinabad ko na lang sa napakasarap at napaka anghang na
suka ni Manong ang binili ko. Pwede na.
Hindi
ako nag enjoy sa kinain ko ngayon. Gusto ko sanang ibalik kay Manong
B ang bulok nyang penoy at ang makunat nyang kropek, pero hindi rin
ako nag enjoy sa naisip ko. Naalala mo ang gaspang ng kamay ni
Manong. Ang mga wrinkles at uban nyang sinubok na ng panahon. Ilang
bahay kaya ang nadaraanan nya sa isang gabi? Ilan naman kaya sa mga
bahay na iyon ang gising pa at nakakarinig ng sigaw nya? Hindi naman
malaki ang kita sa balut, penoy, kropek, at mani na inilalako nya
gabi gabi. Naisip ko, sapat na ba ang kita nya gabi gabi para
matustusan ang pang araw-araw nyang pangangailangan? Kuryente, tubig,
pagkain, at renta sa bahay? At kung may mga anak sya, kakayanin kaya
ng kita nya ang matustusan ang pagaaral nila? Ang baon nila at
pamasahe sa eskwela? Idagdag pa ang mga projects at mga bayaring
pwersahang ipinaoobliga ng mga guro sa estudyante kahit hindi naman
kailangan.
Lalo
akong nalungkot sa naisip ko. Sa halos gabi-gabing pagbili ko kasi
kay Manong ng balut ay naging kaibigan ko na sya. Bilib ako sa kanya
dahil hindi nawawala ang ngiti nya at ang mahina nyang tawa sa tuwing
bibili ako sa kanya. Mahirap ang buhay para sa akin. Dahil ang dami
kong ginagawa sa eskwela. Dahil mahirap ang mga exam. Dahil terror
ang professor. Pero ano'ng karapatan kong magreklamo, gayong hindi
naman lahat ay nabibigyan ng oportunidad na makapag kolehiyo tulad
ko? Araw-araw akong may baon. Nagagawa ko pa ngang gumala at
makipagsaya sa mga kaibigan ko.
Ano
ang karapatan kong sumimangot dahil ayaw ko ng ulam na nakahain sa
harap ko samantalang may mga taong nagpupuyat para lamang may
mailaman sa kumakalam nilang sikmura? Ano ang karapatan kong
magreklamo sa baon kong sobra pa sa pamasahe at pangkain ko, gayong
may mga pinipilit na pumasok kahit na wala silang baon at may iba pa
nga na gustong mag-aral ngunit walang magawa?
Nakakalungkot
isipin na ang dami dami kong inerereklamo sa buhay ko ngayon
samantalang may mga taong gustong magkaroon ng kahit hindi marangya,
ngunit maayos na pamumuhay na mayroon ako ngayon. Nakakalungkot para
sa kanila. Dahil wala akong magawa. Dahil hindi ko sila matulungan.
Dahil ganyan talaga ang buhay.
Nalungkot
ako para kay Manong. Ano ba naman ang 25pesos na inaaksaya ko lang sa
load kumpara sa 25pesos na pambili nya na ng bigas para sa pamilya
nya? Naalala ko ang ngiti ni Manong at napalitan ng pagkabilib ang
lungkot at awa ko para sa kanya. Dahil sa kabila ng hirap na dulot ng
buhay ay hindi sya sumusuko at nagagawa nya pang ngumiti. Ang lakas
ni Manong. Astig.
No comments:
Post a Comment