Tuesday, March 15, 2011

Nagising sa Isang Shot


Sabado na naman. Walang pasok. Walang gagawin buong araw. Magsasaya ako kasama ang aking mga kabarkada. Iinom. Magpapaka-lasing hanggang sa umaga. Tatawa ng tatawa.





Nagkita kami sa dating tambayan. Naroon pa rin ang bilog na lamesita na syang nagsisilbing patungan ng alak at pulutan. Pinapatungan rin ito ng maliit na mumurahing speaker na isinasaksak sa aking MP4 na syang tumutugtog ng malakas habang nakikikanta ang buong tropa at nagsasaya. Natatapunan ng alak. Pinapatungan ng balat ng mga chichirya. At kadalasn, natatalsikan ng suka. Ang maliit na lamesitang iyon rin ang naging saksi sa inuman sessions ng barkada sa tuwing may problema. Iyakan, at bigayan ng mga opinyon na kadalasang nagiging dulot ng pag-aaway kapag hindi nagtutugma ang mga iyon. Pero sa bandang huli, lasing lahat kami.



Hinubad ng aking kaibigan ang suot-suot na jejecap at saka inikot sa bawat miyembro ng barkada. 50 pesos ang pinaka-mababang ambag. Mayroon ring NINETY-- ninetindihan namin.



Pagtapat ng mistulang potluck sa akin ay ihinulog ko ang limang tig-iisandaang piso na natira sa isang linggong allowance ko. Nanlaki ang mga mata ng kabarkada ko at tila nagulat sa laki ng ambag ko.



"WOW! Anong nakain mo 'tol? Birthday mo ba?!" tanong ng taga-singil.



"Gago ka ba? Eh December pa birthay nyan. August pa lang ngayon. Utak hangin ka!" sabi ng isa sabay batok sa naniningil na gulat na gulat.



"Ngayon lang ba kayo nakakita ng limang daan? Mga inosente. Gusto ko malasing ngayon eh. Pakalunod tayo sa alak mga beybe!" sabi ko.



"Oh sige. Mata? Gene? Empi? Jabarr? Bulag? Mucho? Ano?" tanong ng runner sa tindahan.



"As usual, one set tayo. Para mura tsaka amats agad." sabat ng isa.





Nang dumating ang alak at pulutan, agaran itong tinimpla at washuung! Gora na ang shot glass sa pag-ikot.



Nahihilo na ako. Habang umiikot ang shot glass, bigla ko na lamang naalala ang problemang pilit na kinakalimutan ko. Ang problamang dahilan kung bakit nagpapaka-lasing ako. Pagtapos noon, biglang nagbalik ang mga alaala ko.....





***

Inimbita ako ng isang kaibigan sa kanyang birthday party. Gabi na ako nakapunta noon dahil may klase ako. Nang malapit na ako sa bahay nila ay biglang umulan ng malakas. August noon, kaya madalas ang pag-ulan. Sakto, naiwan ko ang payong ko. Ang galing talaga tumayming ng bagyo. Talagang hindi ka pauuwiin ng tuyo.



Tinext ko ang mga kaibigan ko na nasa party na ng mga oras na iyon. Sabi ko ay sunfuin nila ako at magdala sila ng payong. Hindi nagtagal ay may sumundo sa akin. Nakakahiya! Paano, hindi ko kilala ang lalaking nagsundo sa napaka-demanding na ako.



Sabay kaming naglalakad sa ilalim ng ulan, sa ilalim ng iisang payong. Mark ang pangalan nya. Masyadong gasgas ang pangalan, pero hindi gasgas sa itsura. Matangkad, maganda ang mga mata. At mayroong ngiti na kayang tunawin ang puso ng kahit sinong babae. Iniabot nya sa aking ang kanyang cellular phone at sinabing ilagay ko sa bag ko para hindi mabasa ng ulan. At saka ay ibinigay ang payong sa akin at sumugod sa ulan.



"Magpayong ka nga! Gusto mo ba magkasakit?" sigaw ko sa kanya.



"Okey lang yan." sagot nya sa akin habang naka-ngiti.



"Eh bakit ba nagpapa-basa ka pa, eh pwede namang hindi."



"Because of the GRAVITY." katwiran nya.





***

'BECAUSE OF THE GRAVITY'. Iyon ang mga salitang madalas kong marinig mula sa kanya sa tuwing nagtatanong ako sa kanya. Iyon din ang sinasagot nya sa tuwing tinatanong ko sya kung bakit ako ang mahal nya.



Masaya ako kapag kausap ko sa cellphone si Mark. Nakakatuwa syang kausap. Mahilig magpatawa. Siya daw ang may-ari ng NAIA. Isa raw siyang imbentor. Mag-iimbento raw sya ng brief na time machine. At ng cell phone na hindi nauubusan ng baterya. :))



Gentleman rin sya. Naaalala ko pa yung mga araw na nagkikita kami. Lagi nya akong inaalok ng pagkain.



Siya rin ang super hero ko. Noong nawala ko ang bracelet na isinuot sa akin ng ex boyfriend ko, pinuntahan nya ako at pinatigil sa pag-iyak. Sya rin ang kumausap sa ex ko at nagkasundo silang papalitan nalang namin ito. Sya raw ang bahala sa akin. Nagplano na kaming bumili noon nang makita ko sa study table ko ang lintik n bracelet na iyon. Malaman-laman ko lang, para sa akin pala talaga ang lecheng bracelet na 'yon. Binawi lang raw ng ex ko dahil nagka-boyfriend na akong bago.



Pinakilala nya na rin ako sa pamilya nya limang araw matapos ko syang sagutin. Mabait ang mga magulang nya. Mahilig mag videoke ang tatay nya. Naaalala ko pa noon, iniabot ng tatay nya sa aking ang song book at sinabing hindi ako makakauwi hanggat hindi ako kumakanta. HAHA !



Mabait rin ang nanay nya. Laging pinaaalalahanan si Mark na pakainin ako. Madalas rin syang magkwento sa akin tungkol sa panganay nyang si Mark. Naaalala ko pa noon pinakita nya sa akin ang baby pictures ni Mark-- NUDE photo! :))





***

Second monthsary namin noon. Nagpunta kami sa bahay nila at kumain ng lunch. Pagtapos noon ay ihinatid nya ako. Masaya ako noon, dahil naramdaman kong nagmamahalan talaga kaming dalawa.



Pagdating ko sa bahay at hindi matanggal ang ngiti sa mga labi ko. Nadarama ko pa ring ang sayang naramdaman ko sa selebrasyong ng ikalawang buwan ng aming pagsasama.



Habang nasa kwarto ako ay nagtext sya sa akin.



"nhie.. sa tingin ko klangan muna ntn mgbreak."



Nagulat ako sa nabasa kong mensahe. Natigilan ako at hindi napigilan ang pagtulo ng mga patak ng luha mula sa aking mga mata na kanina lamang ay saya ang dala-dala.



"bakit? may problema ba?"



Message sent. Hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak at kinakabahan sa magiging reply nya.



"basta. para sau dn nmn to e. mllman mo dn s tmang pnhon. bye."



At lalo akong umiyak. Ilang gabi kong pinag-isipan ang dahilan ng pakikipaghiwalay ni Mark sa akin. Ilang gabi na puno ng luha. Ilang gabi ng pagtatanong ng "Anong nangyari?" sa sarili ko.



Buti na lamang at nariyan ang barkada ko. Always to the rescue. Hindi nagtagal, dahil sa kanila ay nakapag- move on ako.





***

"msta? mark to."



"cnong mark?"



"hulaan mo...."



"kung kaya kong manghula, eh di sna hnulaan ko n ang srli q. eh d sna hndi n ko minmlas s buhay ko. mrming mark s mundo. cno k ? anu misyon m s mundo?"



"mark bagain to."



"ui. kw pla.."



"musta kna?"



"ok nmn. kw? lpit n bday mu aa.."



"uu nga ee. pnta k ha? sunduin kta sa phase1."



"ok cge.."





At hindi na sya nag reply..





***

Nagpunta ako sa birthday ni Mark. Sinundo nya ako at dinala sa bahay nila. Sabi nya ay tinatanong daw sya ng mama nya kung bakit hindi a ako nagpupunta sa bahay nila. Matapos ang tatlong buwan, hindi pa rin pala alam ng nanay nya na hindi na ako ang prinsesa ng panganay nya.



Kinilig ako noon. Naisip ko na siguro ay mahal pa rin ako ni Mark at may pagasa pa na maging kami ulit.



Inuman ang tema. Nag-iisa akong babae sa amin apat. Nang makaramdam ng hilo ay inihatid ako ni Mark pauwi at saka binigyan anko ng goodbye kiss sa labi. *kilig!



Pagtapos noon? Hindi happy ever after. Nalaman ko kasi na may girlfriend na pala sya ng panahong iyon. Leche diba? Nananahimik na ako, tapos ginulo. Ang sama. Sobrang nasaktan ako sa nalaman ko. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ako maka-get over. Kahit ilan nang boyfriend ang dumaan pagkatapos ng paghihiwalay namin.









Nagising ako sa totoong mundo.



"Hoy tagay mo na! Bawal ang pass ha! Walang uuwi nang hindi bangenge!" sabi ng tanggero.



At nagpatuloy ang tagay session. Sa bawat shot, ay katumbas ang paglayo at paglimot ko sa mapait na karanasang sinapit ko. Tama, walang mabuting maidudulot ang alak sa problemang dinadala. Pero para sa akin, gusto ko na makatakas sa problemang dinadala ko sa kahit na isang araw lang. Isang araw na makakaranas ako ng ligaya. Isang araw na makapag-papabalik ng dati kong saya. Kahit na magkaroon pa ako ng hungover sa paggising ko sa umaga.At pagkatapos ng maligayang araw na iyon ay sisimulan ko nang lumimot. Ang pagtahak sa landas na ang dulo ay tunay na kasiyahan ang dulot. At balang araw, maririnig ko ang pangalan nya at wala akong madarama na kahit a anumang kirot.

No comments:

Post a Comment