Source: Google Images |
Medyo matagal na rin simula noong una kong ikulong sa mga palad ko ang pag- asang aking pinanghahawakan. Maraming nagsabi na katapangan ang ginawa ko dahil hindi iyon karaniwan sa mga kababaihan. Ang iba naman ay napakunot ang noo at naniniwalang katangahan ang aking ginawa.
Katangahan man o iyon o katapangan, mas lalo ko pang hinigpitan ang pagsara ng aking palad. Dahil ayaw kong mawala ang pagasang darating rin ang panahon na magiging maayos ang lahat. Na sasang-ayon ang kapalaran sa akin. Na sasaya rin ako.
Ilang beses kong pinilit na lumapit sa kayamanang matagal ko nang gustong makuha.Isang kayamanang dati ay akala ko'y magiging akin. Ngunit isang araw ay nagbago ang ikot ng mundo niya at tila nagiba ang takbo ng tadhana. Nag-iba ang lahat. Pinilit kong ibalik ang mga bagay sa dati nilang kinalalagyan ngunit hindi ko nagawa. Hindi ko naman pala kasi nga magagawa iyon ng mag-isa.
Hanggang sa dumating sa puntong mamanhid ang aking mga palad sa sobrang higpit ng pagkakasara nito. Tila nagpupumiglas ang nakasilid na pag-asa upang makalaya. Unti- unti kong itinaas ang nakasara kong palad upang maibsan ang matindi nitong pangangawit. Ginawa ko ang lahat. Ginawa ko ang lahat upang tuparin ang pangako ko sa aking sarili at sa aking pangarap-- na hindi ako bibitiw. Na papatunayan kong karapat dapat iyon na mapasakin.
Matagal na akong naghihintay na tuluyang mapalapit sa isang kayamanan. Una ay gusto ko lamang syang masilayan. Hanggang sa gusto ko na syang mahawakan. Hanggang sa gusto ko na syang mapasa-akin. Hanggang sa.. Hanggang saan? Hindi ko alam kung ano ang nangyari ngunit tila hindi naman ito ang kayamanan na para sa akin.
Sa paglipas ng mga araw ay unti- unti nang tinangay ng daluyong ang pag-asang pilit kong ikinulong sa aking mga palad. Sa patuloy na pagbawas ng pag-asa ay nakita ko kung gaano kalabo ang pagkakataong mangyari ang gusto ko. Ngunit sa kabila noon ay mas pinili ko pa ring hawakan ang natitira pang pag-asa.
Hindi ko na kaya, sabi ng aking palad na namumula na at halos hindi ko na madama dahil sa sobrang manhid at ngawit.
Pinagmasdan mo ang palad ko at nakita kong hindi pala pag-asa ang ikinulong ko rito. Hindi pag-asa kundi ang sarili ko. Ang sarili ko, kasama ang puso kong tila hindi marunong mapagod sa patuloy na pagmamahal at paghihintay. Pusong tila manhid na sa sobrang dami ng sakit at pagdurusang pinagdaanan. Pusong tila nawalan na ng konseptong pagmamahal sa sarili nya.
Ngunit lahat ay may hangganan. Binuksan ko ang aking palad at tuluyan nang tinangay ng daluyong ang natitirang pag-asa sa aking mga palad.
No comments:
Post a Comment