Tuesday, March 15, 2011

Shot Glass (Kwentong Tagay)

"Tama na 'yan, inuman na. Hoy pare ko tumagay ka. Nananabik na lalamunan. Naghihintay, nag-aabang. Lalalalalalalaseeeeeeeeeeng.."

Kumakanta ang barkada sa saliw ng kantang "Inuman Na" ng bandang Parokya ni Edgar gamit ang lumang gitarang kulay pula kasabay ang pag palo ng mga kamay ng mga kalalakihan sa bilog na lamesita na nagmimistulang tambol ng tropa.

Malakas na tawanan, hindi mapigilang kasiyahan. Maligaya ang buong barkada sa kabila ng namumulang mga mata at umiikot na paningin. Hindi nila alintana ang mainit at masikip na paligid maging ang kanilang mga sariling amoy.

"Hoy Kaye, tagay mo na 'yan! Kanina pa 'yan d'yan oh. Halos tubuan na ng ugat 'yung shot glass," sabi ng tanggero kay Kaye na nakatingin sa kaniyang cellphone.

"Oo, heto na. Akala mo naman hindi iinumin!" At ininom ng dalaga ang isang maliit na basong puno ng inuming siguradong nakalalasing. Ininom niya ito ng parang tubig at saka sinundan ng pag inom ng iced tea.

Matapos tumagay ay tinignang muli ni Kaye ang kaniyang telepono. May ilang mga bagong mensahe at binuksan niya ang mga ito.

May mga mensaheng mula sa kaibigan at ka clan niya. Mga grupong mensahe na mas kilala sa 'GM,' 'JIEM,' at '9r0upf mh3sxz463,' para sa mga usong Jejemon. Ibinabahagi ang bawat nangyayari sa kanilang buhay. Ang kanilang mga ginagawa gaya ng pagkain, paglalakad, panunuod ng telebisyon, pakikinig sa musika, pag-aaral, paliligo, paglalaba, paghuhugas ng pinggan at iba pa. Kulang na lamang ay ibahagi sa mga kakilala na sila ay HUMIHINGA. Ibinabahagi rin at mistulang ipinagyayabang ang mga bagay na mayroon sila gaya ng pagbabahagi ng kanilang kinakain sa mga oras na iyon, ang lugar na kinalalagyan nila sa mga panahong iyon, panunuod ng sine, at pag- inom ng kape--- lalo na kung Starbucks. May iba namang maganda ang pagbati gaya ng "Magandang umaga!" , "Magandang tanghali," "Magandang hapon," at "Magandang gabi."

May ilang mensahe naman mula kay Aling Marta.

"Nasaan ka na?" "Anong oras ka uuwi?" "Umuwi ka na, gabi na."

Isa- isang binura ni Kaye ang mga mensahe. Hindi na niya sasagutin ang mga mensahe ng ina upang hindi na ito mangulit pa.

"Anong oras ka uuwi?" Tanong ni Kaye kay Jenny na madalas niyang kasama sa mga inuman at gala ng tropa. "Maya- maya, tapusin na natin 'to. Kaunti na lang 'yan oh," sabay turo ng kaibigan sa isang bote na halos kalahati pa ang natitirang laman.

Nakakaramdam na rin ng hilo ang dalaga, at lalo pang umingay ang barkada. Mga lasing na sila, at medyo nakakapambulabog na ng iba. Huminto na sa pagkanta at paggamit ng gitara ang mga lalaki. Ngayon ay nagkukumpulan na sila sa isang sulok at hinihimas ang likod ng mga kaibigang babae.

Hindi, hindi nila pinagsasamantalahan ang mga kaibigan. Tinutulungan nila ang mga ito na isuka lahat ng nainom nila. "Tumatawag ng uwak," sabi nga ng mga taong bihasa na sa pag- inom.

Naubos na ang laman ng ika- limang bote ng inumin ng tropa. Aaaaaah! Laking pasasalamat ni Kaye at makakauwi na rin siya.

Nakakatuwang pagmasdan ang buong barkada habang sabay- sabay na naglalakad pauwi. Pasuray- suray lahat sila, at ang iba naman ay halos gumapang na sa sobrang kalasingan. Ganoon din si Kaye, na sa mga oras na iyon ay inaakay ng matalik na kaibigang si MacMac.

"Bitiwan mo nga ako!" Sabi ni Kaye sa best friend niya. "Bitiwan? Kapag binitiwan kita, tutumba ka. Gago." Sabi ni MacMac kay Kaye habang nakangiti.

"Hindi naman ako lasing. Naka- inom lang. Bitiwan mo na 'ko. Kaya ko pa maglakad ng tuwid," pagyayabang ng dalaga.

Binitiwan si Kaye ng kaibigan. Lumakad siya ng pagewang-gewang kahit sisusundan pa ang linya sa kalsada.

Plaaaaaaaaaaaaaag! At saka sya tumumba. Nagulat ang buong barkada sa pagkakatumba ng kaibigan nila. Tutulungan na sana siya ni MacMac nang bigla syang tumayo at nagpatuloy sa paglalakad ng parang walang nangyari. Inakbayan si Kaye ng isa paang hilo na si Jenny.

Boooog! At sabay na natumba ang dalawa at saka tumawa. Hindi maipagkakaila sa itsura, lakad, at kilos nila ang kalasingang dulot ng pag inom ng alak.

Tumba-tayo-tumba-tayo. Hindi alintana ang mga galos at sugat na dulot ng ilang beses na pagbagsak ng buong katawan na dulot ng matinding kalasingan. Malapit na si Kaye sa kanilang bahay. Inayos ang kaniyang buhok, halos paliguan na ang sarili sa pabango, at saka kumain ng menthol candy upang hindi maamoy ng ina kapag ito'y kinakausap na.

Nakarating na sa bahay si Kaye. Sarado ang mga ilaw sa kwarto, at hindi nya naririnig ang telebisyon mula sa labas. Agad niyang tiningnan ang kanilang gate kung ito ay naka- kandado mula sa loob. Bukas. Inaasahan nya na ito, dahil hindi na siya mahihintay pa ng ina nang hanggang sa ganoong mga oras. Maaga kasi kung matulog ang kaniyang ina at ang kapatid niyang bunso. Nagtatrabaho naman ang kaniyang ate sa isang call center at nasa graveyard shift ito.

Pumasok si Kaye at marahang isinara ang gate at ang pinto. Sa sobrang hio at antok ng dalaga ay dumeretso na ito sa kaniyang kwarto. Wala nang bihis bihis, hindi na siya kumain at hindi na rin naglinis ng katawan at nagsipilyo. Plakda si Kaye dulot ng 'nomo' session ng tropa.

Nambubulabog nanaman ang mga manok na panabong ng kapitbahay. Hindi ito ang gumising kay Kaye kundi ang mainit at maliwanag na sinag ng araw na nagmumula sa bukas na bintana ng kaniyang silid.

Sukdulan ang sakit ng ulo niya. Saka lamang naalala ng dalaga ang mga nangyari kinagabihan. Ang kantahan at tawanan, ang saya at ligaya, at ang mapait na lasa ng inuming iniinom mula sa isang shot glass. Hindi ito gaano kasarap, ngunit kakaibang ligaya naman ang naibibigay habang iniinom ito. Ang pangit lang ay ang mararamdamang sakit ng ulo at hilo pagkagising mo. Ito ang tinatawag na "hang over."

Nakatikim nanaman kagabi si Kaye ng bagong pangalan ng inuming nakalalasing. Naalala niya tuloy ang unang araw na nakatikim siya ng alak.

Nasa ikaapat na taon siya noon ng sekondarya nang yayain ng matalik na kaibigang si Jenny na uminom sa bahay nila. Noong una ay ayaw niya, dahil hindi naman siya umiinom. Sumama siya ngunit isinumpang hindi titikim ng kahit na ga-patak ng alak. Sa huli ay napilit siya ng kaibigan na tumikim-- na nauwi sa pagtikim ng pitong tagay ng Emperador. Nalasing siya, ngunit hindi nakaranas ng hang over pagkagising niya kinaumagahan. Kahanga- hanga, para sa isang baguhan sa pag- inom.

Tumayo so Kaye sa higaan. Saka lamang niya napansin na naka- pantalon parin siya. Suot niya pa rin ang damit niya kinagabihan.

"@#!$%&*^*!! Aray!" Napasigaw si Kaye ng sumanggi ang siko niya sa pader. Doon lamang niya nabatid ang mga galos at sugat niya sa siko at tuhod na dulot ng ilang ulit na pagtumba niya kagabi habang naglalakad pauwi kasama ang barkada.

Hindi na ito bago para sa kanya. Sa katotohanan pa nga ay natatawa siya sa sarili niya. Ngunit hindi siya muna dapat magsaya. Inihanda niya nia ang sarili sa pagbaba at sa magiging sermon ng ina. May mga oras pa naman na ubod ng sungit si Aling Marta na para bang sobra ang lakas ng buwanang dalaw. May mga oras naman na ubod ito ng bait. Ngunit madalas siyang sermonan ng ina. Maging ang mga dati niya pang nagawang mga bagay na hindi nito nagustuhan ay mauukit pa, kapag nagalit ito sa kaniya.

"Ano'ng pagkain?" Tanong ni Kaye sa ina habang nasa tapat ng hapag kainan at iniaangat ang takip ng mga plato.

"Ano'ng oras ka a umuwi kagabi?" Usisa ng ina.

"Eleven. Traffic kaya," pagsisinungaling ni Kaye na ala- una talaga ng madaling araw nakarating sa bahay.

Sigurado ang dalaga na maniniwala ang ina sa pineke niyang oras ng pag- uwi niya dahil maaga ito kung matulog.

"Ah ganoon ba? Oh sige at kumain ka na," sagot ng ina.

Walang mintis. Nakalusot nanaman si Kaye. Kahit kailan talaga ay hindi pumapalya ang mga mabenta at patok na palusot ni Kaye sa kaniyang ina.

Tutut! Tutut! Tunog ng telepono. May isang mensahe mula sa kaniyang boyfriend na si Mark. Nakikipaghiwalay na ito. At hindi na siya napigil pa ng dalaga.

Naiyak si Kaye at isa lamang ang pumasok na solusyon sa kaniyang isipan--- ang maglasing.

Tama ang pagkakataon, umalis si Aling Marta at ang kapatid niyang si Carmela. Maaari siyang uminom. Party Party!

Lumabas ng bahay si Kaye upang bumili ng alak at iced tea. Nagdala ng paper bag upang hindi makita ng mga tsismosang kapitbahay na siguradong magsusumbong sakaling makita siyang bumibili ng alak. Sa malayong tindahan bumili ang dalaga, kung saan walang makakikita na kakilala ng kaniyang ina.

Bumili siya ng isang bote ng maliit na Matador Brandy at dalawang pakete ng Nestea. Tinimpla niya ito sa isang tasa, at saka nagsalin ng kaunting alak sa hiwalay na tasa. Uminom mag- isa si Kaye sa sala ng kanilang bahay habang nanunuod ng isang lumang pelikula sa telebisyon. Mapait at mainit sa lalamunan, ngunit matindi ang kagustuhan niyang malasing. Tila naadik ang dalaga sa pakiramdam na nararanasan niya kapag 'tinamaan' na. Maya maya ay nagsalin na siya ng maraming alak sa tasa niya. Unti- unting nilagok ang mapait na inumin at saka sinusundan ng pag inom ng iced tea.

Sa kalagitnaan ng pag inom niya ay may humintong tricycle sa harap ng bahay nila. Laking gulat ni Kaye nang makitang si Aling Marta pala at ang kapatid na si Carmela ang dumating. Mabilis niyang inilabas ang dalawang tasa na iniinuman niya at saka binuhusan ng tubig. Inakyat niya sa kwarto ang bote ng Matador na halos kalahati pa ang natitira at saka bumalik sa sala at nagpanggap na nanunuod lamang ng telebisyon.

"Nandito na pala kayo. Ang bilis ah," sabi niya sa dalawa.

"Amoy alak ah!" sabi ng bunsong kapatid ni Carmela.

Kinabahan ang dalaga.

"Oo nga eh. Kanina ko pa naaamoy. Baka umiinom nanaman 'yung kapitbahay," palusot niya.

Hindi kumibo ang kapatid at ang kaniyang ina.

"Yes! Lusot!" pagdiriwang ni Kaye sa isipan niya.

Hilo si Kaye na umakyat at pumasok sa kaniyang kwarto. Nahiga ito at hindi namalayang siya pala ay nakatulog.

Mahal na mahal ni Kaye ang alak. Hinding hindi niya ito ipagpapalit kaysa sa mga ibang masasarap na inumin sa mundo. Para sa kaniya, wala nang ibang inumin pa ang mas sasarap sa pakiramdam na naidudulot ng alak sa katawan niya. Mainit, at kakaiba ang pakiramdam ng pagkalasing. Idagdag mo pa ang saya na madarama mo kapag kasama mong umiinom ang kabarkada mo. Hindi mawawala ang sya at tawanan. At mga asarang minsan ay may pikunan. Walang maitatago sa kanila kapag lahat kayo ay lasing na. Oras na mawala ang mga tama, umpisa na ng kantiyawan sa barkada.

"Si ______ sumuka!"

"Si ______ iniyakan ang jowa niya!"

"Si ______ natumba!"

At marami pa. Hindi maiiwasang pagkuwentuhan ang bawat detalyeng nangyari sa inumang naganap.

Nagising si Kaye sa tunog ng kaniyang telepono, sa ikalawang pagkakataon. Isang mensahe mula sa boyfriend niya na ilang oras pa lamang ang nakararaan nang makipaghiwalay sa dalaga.

"Kaye? Sorry. Hindi ko sinasadya. Akala ko kaya ko, pero hindi pala. :(" sabi ni Mark.

Sa sobrang pagmamahal, hindi natiis ng dalaga ang pinakamamahal na si Mark. Pumayag siya na makipag- balikan sa kasintahan ng ganoon na lamang. Walang paliwanag, basta 'sorry' lang.

Walang "hindi na mauulit."

Walang ni anumang pangako na hindi na mauulit pa ang nangyari na nag udyok sa dalaga na magpaka-lasing mag- isa. Pag- ibig nga naman.

Napalitan ng kinang at tuwa ang mga mata ni Kaye na kanina lamang ay luha ang dumadaloy.Mahal niya si Mark, at kahit ano ay kaya niyang gawin para dito.

"Debut ni Shey mamaya ah. Pupunta ka ba?" tanong ni Mark.

"Oo. Ikaw?"

"Oo naman. Hihintayin kita doon ha,"

"Okey, sige."

"Ano'ng susuotin mo, Panget?"

"Dress, malamang. Haha,"

"O sige, wala na akong load eh. Kita nalang tayo mamaya Babe. I love you!"

"I love you more! Muah!" At natapos ang usapan.

Hindi na maalis ang ngiti sa mga labi ng dalaga. Matapos ng nangyari na naging sanhi ng pag inom niya ng alak ay kinikilig pa rin siya sa boses ng kaniyang sinisinta. Dali- dali ay naligo na siya. Maaga dapat siyang maligo, para makapag paganda siya at lalong magustuhan ni Mark.

"Dapat kabog ako mamayang gabi!" sabi niya sa sarili.

***

Nakarating na si Kaye sa party suot ang isang itim na bistida. Wala na ang mga sando at kamisetang karaniwang suot ng barkada. Napalitan na ito ng mga long sleeves at magagarang mga pormal na kasuotan.

Sa malayo pa lamang ay nakita na niya si Mark kasama ang ilan pang mga kaibigan. Naupo siya sa tabi ng kasintahan at bag umpisa na ang kasiyahan.

Ika- labing walong kaarawan ng kanilang kaibigan. Syempre, hindi mawawala ang alak matapos ang katakot- takot na kainan.

Tapos na ang kasiyahan nang mapag- pasyahan nila na doon matulog sa bahay ng kanilang barkada.

"Hindi ako pwede, magagalit si mama," sabi ni Kaye kay Mark.

"Ipa text mo nalang kay Shey. Pumapayag naman 'yun kapag tinext ng kaibigan mo diba? Sumama ka na," pagpupumilit ni Mark.

Hindi pa nalalaman ang sagot ay nakisaya na rin si Kaye sa mga kaibigan na ipinagpatuloy ang inuman sa kalsada katapat ng bahay ng ay kaarawan na si Shey. Maya- maya ay tinawag siya ni Mark at naupo silang dalawa sa loob ng isang tricycle.

Niyakap siya ng kasintahan at saka sinabing,

"Mahal kita. Kailan mo ba 'ko ipapakilala sa mama mo?"

"Alam mo naman na hindi pa pwede 'diba? Pagagalitan ako sigurado,"

"'Wag mo 'kong iwan ha? Kasi hindi kita iiwan,"

"Oo naman. Pangak..."

Bago pa man matapos sa pagsasalita ay dumampi na ang mga labi ng binata sa mga labi ni Kaye. Hindi niya alam ang gagawin, ngunit nagustuhan niya ang nararamdamang iyon.

Ganoon na lamang ang gulat ng dalaga nang tila ibang halik na ang ginagawa nila ni Mark. Hindi na ito kagaya ng dati, na dumarampi lamang ang labi ng binata sa mga malalambot niyang mga labi. Iba ito kaysa dati. Alam niyang may mali sa nangyayari ngunit hindi niya nagawang pumalag gawa ng kakaibang pakiramdam na dulot ng halik mula sa lalaking pinakamamahal niya.

Bigla na lamang ay itinulak ni Kaye ang kasintahan. Naramdaman niya ang mga kamay nito na lumalakad papunta sa kaniyang mga dibdib.

"Bakit?" Tanong ng binata.

"Wala," sagot niya habang sukdulan ang pamumula ng mukha.

Ang saya sa mukha ni Kaye ay napalitan na ng pagkahiya.

"Hindi naman tayo nagse- sex ah,"

"Kahit na,"

Ngunit hindi natinag si Mark. Nagpatuloy pa rin ito. Gusto nang umalis ni Kaye ngunit matindi ang pagmamahal niya sa lalaki. Kung aalis siya, baa sakaling makipaghiwalay na naman ito sa kaniya. Kaya naman ay pinabayaan na lamang niya ang kasintahan sa kaniyang ginagawa. Wala na rin siyang sapat na lakas para manlaban. Lasing na rin siya, at namamanhid na ang mukha.

"Hindi naman siguro masama ito, hindi naman nababawasan ang aking pagkatao," sabi niya sa sarili.

Kinabukasan ay bigla na lamang nag-iba ang kasintahan niya. Hindi na siya kinakausap, at hinaharot pa ang kaibigan niyang kagabi lamang nakilala.

Hindi na rin niya ito pinansin hanggang sa umuwi siya. Buti na lamang ay hindi siya kinagalitan ng ina.

Isang araw habang pauwi na si Kaye ay naisipan niyang itext ang kasintahan.

"Mahal m p b ako?" messgage sent.

Naglalakad si Kaye kasama ang dalawang kaibigan nang tumunog ang telepono niya.

"Magagalit k b skn?"

"hnd. kung ano sgot mo, wla n ko mggwa," sagot niya.

"Oo."

Natuwa si Kaye sa sagot ni Mark sa pag-aakalang mahal pa siya ng boyfriend niya.

"Ano'ng oo?" tanong niya.

"hndi n kta mhl."

Bigla na lamang natigilan si Kaye. Naramdaman niya na lamang ang unti- unting pag patak ng luha mula sa kaniyang mga mata hanggang sa maging agos na ito. Masakit para sa kaniya, matapos ang lahat ng ginawa at tiniis niya para kay Mark.

Sa pagkakataong ito ay hindi na mag- isang uminom si Kaye. Nilibre niya ang buong barkada at saka nagpaka lunod sa alak. Pagkatapos noon ay okey na siya. Alak lang talaga ang kailangan. Iyan si Kaye.

Isang araw ay gumagala si Kaye kasama ang isang kaibigan. Inaya siya nitong dumaan sa bahay ng isan kaibigan na nagdiriwang ng kaarawan.

Pagdating nila sa bahay ng sinasabing may kaarawan ay laking gulat na lamang niya nang makita si Jeff, ang crush niya noong nasa high school siya. Crush rin ito ng iba pa niyang mga kaibigan. medyo nahiya si Kaye at tahimik lamang na naupo sa harap ng isang lamesa sa labas ng isang bahay na may tatlong bote ng Matador sa ibabaw.

"Mamaya na tayo umuwi, ubusin na natin 'yan!" sabay turo ng kaibigan sa mga bote ng alak na nakapatong sa mesa.

Hindi na nakatanggi si Kaye ng makitang nakatingin sa kaniya si Jeff. Wala siyang magawa, halos matunaw siya sa tingin ng crush niya.

Matapos ang ilang sandali ay umiikot na naman ang paningin ni Kaye. Nag aya na itong umuwi at inihatid siya ng kaibigan, kasama si Jeff.

Bago pa man makauwi ay dumaan muna sila sa isa pang inuman session ng mga kaibigan niya.

"Iwan nyo na si Kaye, ako nang bahala sa kaniya," sabi ni Chito, manliligaw ng dalaga.

"Hindi pwede," sagot ng kaibigan.

"Bakit hindi?"

"Kasama niya'yung boyfriend niya. Ihahatid nga siya sa bahay nila eh," sabay turo kay Jeff.

Pinabayaan na siya ng mga kaibigan at nagsimula na silang maglakad. Habang naglalakad ay tinanong siya ni Jeff.

"Payag ka ba na tayo na?"

"Oo sige," sagot niya habang nakayuko ang ulo. Hilo na talaga siya.

Kinabukasan ay nagulat si Kaye nang malamang boyfriend na niya si Jeff. Hindi siya nainis, dahil pabor naman ito sa kaniya. Gwapo si Jeff, at siguradong maiinggit s kniya ang mga kaibigan niyang bakla at babae sa kniya.

Simula nang maging kasintahan ni Kaye si Jeff ay may napupunahan na siya kapag walang pasok. Tatlong beses sa isang linggo, walang mintis. Umuuwi siya ng umiikot ang paningin. Pero swerte siya at may Jeff na naghahatid sa kaniya pauwi.

Mahal na ni Kaye si Jeff. Masipag ito, maalaga, at maasikaso. At isa pa ay hindi ito isang 'manyakis' gaya ni Mark.

Ngunit hidi lahat at alam ni Kaye. Nalaman niya lang na dapat na siyang magising sa katotohanan isang gabing nag iinuman sila ni Jeff kasama ang iba pa nilang kaibigan.

Maganda naman ang umpisa ng session nila, kagaya ng dati.

Nag umpisa nang umikot ang paningin ni Kaye. Tawa siya ng tawa. Pagkatapos noon ay hindi na niya matandaan ang mga sumunod na nangyari.

Nagising siya sa halik ng isang lalaki. Nasa loob siya ng isang madilim na kwarto, at nakataas na ang kaniyang kamiseta.

"HUWAAAAAAAAAAG!" sinubukang sumigaw ni Kaye ngunit walang tinig na lumabas mula sa mga labi nyang hinahalikan na ngayon ng lalaking hindi niya maaninag dulot ng kadiliman sa loob ng silid na kinaroroonan.

Sinubukan niyang itulak ang lalaki ngunit hindi niya maigalaw ang mga kamay niyang nababalot na ng labis na kamanhiran.

Nagpatuloy pa rin ang lalaki sa paghalik sa kaniyang mga labi. Sa kaniyang leeg, pababa sa kaniyang mga dibdib. Walang magawa ang dalaga, kundi ang magpatulo ng luha mula sa mga mata niyang pilit na inaaninag ang mukha ng lalaking gumagawa ng kahalayang ito sa kaniya.

Nakita niya ang braso ng lalaki. May nakalay na simbolo ng yin at yang.

Sya! Hindi niya lubos akalain na magagawa ito ni Jeff sa kaniya. Muli ay pinilit niyang pumalag mula sa pagkakailalim niya sa kasintahang ngayon ay ginagawa ang isang bagay na siguradong pagsisihan niya sa buhay. Ngunit hindi pa rin sapat ang dami ng luhang nailabas niya upang mapawala ang kamanhiran ng kaniyang murang katawan.

Kinabahan na si Kaye. Naramdaman niya ang kamay ni Jeff na pababa na sa kaniyang pantalon.

ZIIIIIP! At saka binuksan ang zipper ng kaniyang pantalon.

"P*t*ng*n*m*!" Sabay sampal sa namumula ring mukha ng kasintahan.

Umalis si Kaye mula sa kinaroroonang madilim na silid. Umiiyak, at labis ang pagsisisi.

Nagpasalamat siya sa Diyos at ginsing siya bago pa man lumala ang pangyayari.

Buti na lang.

Buti na lang.

No comments:

Post a Comment