Tuesday, March 15, 2011

One Set (Kwentong Inuman)


"Tama na 'yan inuman naaaaaaa, hoy pare ko tumagay kaaaaaaaaaa.. Nananabik na lalamunaaaaaaan.. Naghihintay, nagaabaaaaaaaang.. La-la-la-la-la-la-laseeeeeeeeng..."


Kumakanta ang barkada sa kantang "Inuman na" ng Parokya ni Edgar kasabay ng pag-ikot ng tagay at pagtugtog ng gitara na hiniram lang ng aking kabarkada sa kaniyang kapitbahay. Namumula ang mga mukha, naniningkit na mga mata, lalong kumukulit, mga kwentong binabarbero, at paninging umiikot. Ramdam ko na ang epekto ng Matador sa aking katawan. Lasing na ako, at sigurado ako na gayon rin ang mga kainuman ko.

"Hoy, tagay mo na! Anak ng tilapya, may ugat na 'yung shot glass oh!" sigaw ng tanggero.

"'Eto na, 'eto na. Akala mo naman iiwasan. Eh daig mo pa tarsier sa paningin eh. Siguradong walang makatatakas sa tagayan." Pagbibiro ko habang inaangat ang shot glass at ang baso ng iced tea.

Pagkatapos ko tumagay ay tiningnan ko ang telepono ko na nakatago sa loob ng bag ko simula ng mag-umpisa ang inuman. May limang text messages na mula kay mama. Tinatanong kung nasaan na ako.

Binura ko ang mga mensahe at saka pinatay ang aking telepono. Para kunwari, lowbat na ako.

"Batsi na ko mga 'tol. Hinahanap na 'ko ni mudra eh. 'Pag 'di ako umuwi agad sigurado eh puro sermon ako nito. Alam nyo naman 'diba, daig pa nun si Gloc9 at Bonethugs kung magsalita." Pagpapaalam ko sa tropa.

"P*cha naman oh! Lagi ka nalang ganyan eh! Hindi mo man lamang ba susulitin ambag mo?"

"HAHA! Ayos lang 'yan 'tol. Mas mabuti nang goodshot kay mama. Para maka-ulit 'diba?" sagot ko.

"Oh sige, last shot!" huling hirit ni tanggero habang pinupuno ng husto ang shotglass ng alak.

Mabilis kong ininom ang alak upang maka-uwi na agad sa bahay. Naglakad ako pauwi para mabawasan ang pagka-hilo ko kahit paano. Pasuray-suray ako habang naglalakad. Mabuti na lamang ay hinatid ako ng aking mga kasama kahit pati sila ay lasing na.

Tumba-tayo-tumba. Hindi iniinda ang sakit ng mga galos at sugat na natatamo mula sa ilang ulit na pagtumba bunsod ng matinding kalasingan.

Pagdating ko sa bahay ay sarado na ang gate. Marahan ko itong binuksan at isinara muli upang maiwasang magising si mama at ang bunso kong kapatid na sa mga oras na iyon ay tiyak na mahimbing nang natutulog.

Dumeretso ako sa aking kwarto at nahiga. Wala nang bihis-bihis. Tulog na agad.


Nagising ako sa sinag ng araw na nagmumula sa bukas na bintana sa aking kwarto.

"Aaaaaaaaaaaaaghh!" napa-sigaw ako sa sobrang sakit ng aking ulo, tuhod at braso. Noon ko lamang napansin ang mga galos ko buhat ng pagtumba habang naglalakad ako pauwi.

Bumaba ako sa sala upang tingnan kung ano ang nakahanda para sa almusal.

"Anong oras ka na nakauwi?" pambungad na good morning ni mama.

"10:00 ng gabi. Traffic kaya." pagsisinungaling ko. Malakas ang loob ko na umimbento ng oras ng aking pag-uwi dahil maaga kung matulog si mama. Siguradong hindi ako mabibisto.


Ako si Maya. Gala, at mahilig tumoma. Nag-aaral ako sa isang state university sa Maynila. Madalas kong imbentuhin ang iskedyul ko sa klase para maka-gala at makipag-inuman.


Madalas kong kainuman ang boyfriend kong si Erik at kaniyang mga kaibigan na hindi naglaon ay naging kaibigan ka na rin. Ang dahilan? Pare-pareho kaming mahilig uminom.

Gwapo si Erik. Crush ko na siya mula pa noong 3rd year high school kami. Tuwing dumaraan sya sa room namin ay hindi maipaliwanag ang kilig na aking nararamdaman. Crush rin sya ng aking mga kaibigan. Kaya naman ganoon na lamang ang kanilang inggit nang malaman nilang syota ko na si Erik.


"May nongga pala uli mamaya sa bahay nila Erik. KUnwari na lamang ay may pasok ako para payagan ni mama . Hehe." bulong ko sa aking sarili.


****
Nagpunta ako sa bahay nila Erik. Malayo pa ay tanaw ko na ang mga upuang naka-paikot sa isang lamesa na pinag-papatungan ng maraming pagkain. Tumakbo si Erik palapit sa akin at kinuha ang bag na bitbit ko.

"Nasaan sila Rhea? Bakit puro lalaki lang kayo 'dyan?" pag-uusisa ko.

"May pinuntahan. Madaling araw na raw makakapunta. Ayos lang 'yan. Ikaw ang muse namin. At saka nandito naman ako. Hindi kita pababayaan. I love you♥" sabi nya habang hawak nya ang mga kamay ko.

Naupo na ako katabi si Erik. Tanaw ko ang isang pitsel ng kulay dilaw na inumin.

"Ano yan Erik? Juice?" tanong ko.

"One set 'yan. Pinag-halong gin bulag, redhorse, at pineapple juice." sagot nya.

"Nyak! Eh anong lasa 'nyan?"

"Masarap 'yan. Lasang juice lang."


Tagay-pass-tagay-tagay-tagay-pass-tagay-tagay. Ilang beses nang umiikot ang baso at ramdam ko na ang matinding pagkahilo.

"Lasing na ko. Ayoko na. Kailangan 11:30 nasa bahay na ako." sabi ko kay Erik habang inaaninag ko ang mukha niya. Malabo na ang paningin ko sa sobrang kalasingan.


"Sige lang. Uminom ka pa. Ihahatid naman kita sa inyo eh."


"Tanga ka ba? Sige, ihatid mo ako sa bahay. Pero uuwi ka, wala ka nang ulo."


"Okey lang. Ipaglalaban kita kay mama. Este, sa mama mo. Mahal kita eh."


Sa sobrang kilig.. Hala sige! Tagay pa ang gaga.. Pagkatapos 'nun..






*****
Nagising ako. Napansin ko na lamang na nasa loob ako ng madilim na kwarto. Wala akong maramdaman! manhid ang boung katawan ko at hindi ako maka-galaw. Nakikita ko si Erik na palapit sa akin. Hinalikan nya ako.





"Kailangan ko nang umuwi. Ihatid mo na ako"



Ngunit walang lumalabas na boses mula sa mga labi ko na sa mga oras na 'yon ay nababalot na rin ng sobrang kamanhiran.


Patuloy sya sa paghalik sa aking mga labi.




Bumaba sa aking leeg..





"'WAAAAAAAAAAAAAAAG!!" wala pa ring lumalabas na tinig.







Naramdaman ko ang pagtulo ng mga patak ng luha mula sa aking mga mata. Ngunit tila wala iyong nagawa sa isang marahas na bagay na ngayon ay nangyayari na.


Patuloy parin si Erik sa malaswang bagay na ginagawa nya sa akin.


Naramdaman ko ang mga kamay nya pababa sa pantalon ko, sabay bukas ng zipper ko.



BOOOOOOOOOOOOGSH !!!



At bigla akong napa-tayo mula sa kinahihigaan ko.



"P*t*ng*n*m*!" sabay suntok sa makinis at namumulang mukha ng boyfriend ko. Kinuha ko ang bag ko at mabilis na lumabas mula sa madilim na kwarto.


Buti na lamang at nagising ako. Maraming salamat sa Diyos at hindi nya parin ako pinabayaan.

Buti nalang...



Buti nalang...




*****
Nakarating ako sa bahay. Umiiyak. Ngunit napatigil ako nang makakita ng sasakyan ng punirarya sa labas ng aming tahanan. Mabilis akong pumasok sa bahay upang tingnan at lamanim kung ano ang nangyari.

Natigilan ako nang makakita ng kabaong sa gilid ng aming sala.Busy ang lahat at nakasimangot ang mukha. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima. Kumpleto naman kami sa pamilya ah? Kulay pink ang kabaong, ang paboritong kulay ko. Marahan akong naglakad palapit sa kabaong upang tingnan kung sino ang charoterang naki-pwesto pa ng lamay sa aming bahay.


Napahinto at napa-luha ako nang makita ang nakahimlay sa kabaong. Ako pala.


Ako pala.


Hindi na ako makakapag-tapos ng pag-aaral.

Hindi na ako magiging sikat na mananayaw.

Hindi ko na madadala sa states si mama.

Hindi na ako yayaman.



..At hindi na ako makababalik pa sa buhay ko noong humihinga pa ako.



SAYANG..




sayang talaga.

No comments:

Post a Comment