Wednesday, May 16, 2012

Ang Pagibig, Parang Bangin Part2


Somewhere along the line, I started hurting the people I care most about, and I can't figure out how to stop.”
- Greys Anatomy


Nakakalungkot isipin na kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanila ay kaya mo pa ring saktan ang mga taong mahal mo. Unconsciously, nakakasakit na pala tayo. At ang nagpapalala ng lahat, ay wala tayong magawa para pawiin ang sakit na nararamdaman nila. Maaari tayong humingi ng tawad. Maaaring maintindihan nila tayo. Maaaring mabawasan nito ang sakit, ngunit hindi kayang higupin ng isang ektaryang paumanhin ang sugat na hindi naman natin sinasadyang gawin.

Ang pagibig, hindi lang 'yan tungkol sa pagkahulog sa isang tao. Para rin itong pag akyat sa bangin. Nasa itaas ang taong mahal mo. Gagawin mo ang lahat para makarating sa itaas. Minsan, palihim tayong umaakyat ng bangin. Minsan naman, alam ng taong nasa itaas ng bangin na paakyat ka na, pero wala syang pakialam. Marahil ay nageenjoy syang may nakikitang umaakyat para puntahan sya. Pwede rin na hindi pa sya sigurado sa'yo, at iniisp nya na maiisip nya rin kung gusto ka nya o hindi bago ka pa man makarating sa itaas. May mga matatapang naman na kusa tayong itinutulak pababa, dahil alam nila na hindi tayo magiging masaya sa itaas. Na maling bangin pala ang inaakyat natin. At ang pinakamasaklap sa lahat.. 'yung sa sobrang busy natin sa pagakyat, hindi natin alam na may tahimik na naghihintay sa atin sa ibaba. Handa tayong saluhin kahit anong oras. Masakit, pero kailangan natin sabihin na hindi na dapat sila maghintay. Na pursigido talaga tayong marating ang itaas ng bangin. Na may ibang mas karapatdapat na saluhin nila. Masasaktan natin sila.

Masakit ang umakyat sa bangin na hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa itaas. Maaaring pag akyat mo ay may naghihintay sa'yo at magiging masaya ka na. Maaari rin namang pagakyat mo magigingmasaya ka sandali at saka ka itutulak paibaba ng dahilan ng pagakyat mo. At maaari rin na pagdating mo sa itaas ay malaman mo na walang pupuntahan ang pagpapagod mo. Na wala palang naghihintay sa pagdating mo. Ito ang maguudyok sa'yo na tumalon na lamang pababa ng bangin. Masakit, ngunit mabubuhay ka pa rin. Dahil sa pagkahulog at pagkasugat mo, ay sigurado namang may mga magaalaga sa'yo. Babantayan at gagabayan ka nila hanggang sa kaya mo na ulit umakyat sa panibagong bangin. At sigurado ako na ipagdarasal nila na sa tamang bangin ka na makaakyat.

Alam ng mga naghihintay sa atin sa ibaba ng bangin na nasasaktan tayo sa pagakyat. Marahil ay alam nila na nalulungkot tayo para sa kanila. Dahil hindi natin magawang bumitiw para saluhin nila. Marahil ay di naman nila alam na nasasaktan din tayo ng sobra. Sobrang sakit isipin na pinipilit parin nating akyatin ang bangin kahit hindi naman tayo sigurado na magiging okay at masaya tayo sa itaas. Masakit ang pagakyat sa bangin lalo pa't matalim ang mga bato at unti unti tayo nitong sinusugatan. Masakit dahil sa kabila ng pagiging absent ang kasiguraduhan natin, ay may nasasaktan pa ng dahil sa atin. Nasasaktan ng di sinasadya. At hindi natin alam kung paanong huminto dahil hindi naman natin alam kung paanong papawiin ang sakit na di naman natin sinasadyang idulot.

Sakit. Sumakit. Sumasakit. Sasakit. Masakit. Nasaktan. Nasasaktan. Sinaktan. Sasaktan. Masasaktan. Sinasaktan. Nakasakit. Nakakasakit. Makakasakit. Halos dito umiikot ang buhay pagibig ng mga tao.

Hindi naman maiiwasan. Dahil kung hindi tayo nakadarama ng sakit, hindi natin malalamang nagmamahal na pala tayo. Kung hindi tayo sasaktan, hindi natin malalaman na sa maling pagibig pala tayo napunta. Kung hindi tayo masasaktan, hindi tayo matututo. At kung hindi tayo makakapanakit, hindi natin malalamang mali na pala ang ginagawa natin. At kung hindi tayo makakasakit, hindi natin mapagtatantong hindi lang pala tayo ang marunong masaktan.

Tandaan na sa kabila ng sakit na nararamdaman, maaari pa rin tayong ngumiti. Nasasaktan tayo, pero dapat nating alalahanin na hindi lang naman puro sakit ang mararamdaman natin sa buhay. Magiging masaya tayo. Malungkot. Galit. Excited. At marami pang emosyon. Sabi nga, “Life is like a mirror, we get the best results when we smile at it.”

Kaya ngiti lang ng ngiti, kaibigan. Tandaan na ang bawat sakit na ngayon mo nararamdaman, balang araw ay mapapalitan rin ng hindi mapapantayang kasiyahan.

No comments:

Post a Comment