Monday, September 26, 2011

Mga Ngiti sa Likod ng Pighati

Source: YouScoop (Photo taken by: Edward Allan Parientes)


"Ate, nararamdaman mo ba 'yun?"

Si Shomba ang pumasok sa isip ko nang makitang kumukurap ang ilaw namin sa kwarto at unti unting humina ang pagikot ng elesi ng electric fan. Katatapos lang namin manuod ni ate ng Coming Soon, at sariwa parin sa balintataw ko ang nakagigimbal na itsura ni Shomba. Alam kong mahihirapan akong makatulog matapos mapanuod ang palabas. Matatakutin kasi ako.

Umupo ako sa aking higaan at nagkumot nang makarinig ako ng wangwang sa labas ng bahay. Sumilip ako sa bintana at nagulat nang makitang nasusunog ang mga bahay na malapit sa amin. Dali dali kaming lumabas ng bahay. Gusto kong makita kung saan ang sunog. Gaano kalaki ang apoy, at kung aabutin ba ang bahay namin.


Nagkakagulo ang mga tao sa labas. Naisip ko na kuhanin ang SLR upang makakuha ng litrato. Tapos na ko sa mga subjects ko sa pagkuha ng litrato, ngunit magiging maganda ito para sa blog ko. Tumakbo ako. Hindi para kuhanin ang camera at kumuha ng litrato habang nagkakagulo ang mga tao. Kundi para tulungan ang iba na ipasok ang mga naisalba nilang gamit sa loob ng bahay namin. "Hindi. Hindi ito ang tamang oras para sa pansarili kong interes," naisip ko. Napahinto ako at napatingin sa mga tao sa paligid. Nagkakagulo. Nagtatakbuhan. Nagkakandarapang isalba ang mga gamit nila bago pa man ito masunog. Ang iba naman ay nakatulala na lamang sa kawalan. Wala, wala na silang tahanan.

Gusto kong umiyak habang pinagmamasdan ang mga tao na nakatitig sa apoy na unti unting kinakain ang mga gamit at tahanan nila. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa na hindi ang bahay namin ang pinanunuod ko habang nasusunog. Dahil sa harap ko, nauubos na ang mga tahanan ng mga taong ito. Mga gamit na ipinundar nila sa loob ng mahabang taon. Mga damit na pinag ipunang bilhin. Mga kasangkapang hindi naman lahat ay kanilang maisasalba. Bakas ang takot at sakit sa mga mata nila. Sapat na ang mga luhang nakita ko upang maipaliwanag kung gaano kasakit para sa kanila ang nangyayari sa mga oras na iyon.


Kinabukasan ay may mga nagpunta sa bahay namin. Tinatanong kung mayroon ba silang naiwang gamit sa bahay namin. Nagulat ako. Sa sobrang taranta at pursigido nilang maisalba ang mga gamit na kaya nilang ilabas mula sa nagliliyab nilang bahay, hindi na nila alam kung saan na nila nadala ang mga iba sa mga iyon. Simula nang pumasok ako sa eskwela noong umaga, hanggang sa pag uwi ko, isa pa rin ang bukambibig ng mga tao sa Barangay Sto Nino-- ang nangyari noong sunog.

Apat na araw matapos ang sakuna ay binisita ko ang ilan sa mga nawalan ng tahanan. Nakagagaan ng damdamin. Hindi mo maaaninag sa mukha ng mga tao na nawalan sila ng tahanan. Kahit paano ay nakabalik na ang mga ngiti sa kanilang mga labi na panandaliang ninakaw ng sakuna. Marami pa silang kailangan upang makabangon sa pangyayari, at bakas sa mga ngiti nila na kakayanin nila ang anumang pagsubok na darating pa.




Nakatutuwang isipin na sa kabila ng nangyaring sakuna, ay nagagawa parin nilang tumawa. At kahit na wala silang mapuntahan, ay and Diyos pa rin ang kanilang sandigan. Hindi nila inisip na isalba ang mamahalin nilang refrigerator, ang flatscreen tv nila, ang mga sofa nila na bisita lamang ang maaaring umupo, at mga platong inilalabas lamang kapag may espesyal na okasyon. Inuna parin nilang iligtas ang kanilang mga sarili, at ang kanilang mga pamilya. Nagtulungan upang sugpuin ang apoy na tumutupok sa mga bahay nila at ng kanilang mga kapitbahay-- mga kangitian at kabatian sa umaga, mga kalaro sa billiards, hiraman ng dvd, at hingian ng ulam. BAYANIHAN.

Darating din ang araw na makababangon ang mga residente ng Sto Nino mula sa pagkaka-abo ng kanilang mga pangarap. Marahil hindi ngayon, bukas o sa isang linggo. Sa ngayon ay kailangan nila ng kaunting tulong upang makapagsimula uli. Isang araw, imumulat nila ang kanilang mga mata at makikita nila ang maayos nilang bubong. Kumpleto at matibay na pader. At ang mga ngiti sa labi ng kanilang mga kapamilya at kapitbahay. Balang araw ay sasalubungin nila uli ang umaga ng walang pagaalala kung saan sisilong kapag malakas ang ulan. Saan matutulog pagsapit ng gabi. At ano ang isusuot kinabukasan. Balang araw.

No comments:

Post a Comment