Ngayong college ko lang na encounter ang House Hold. Ginagawa 'to ng mga members ng Youth For Christ (YFC) pero kahit hindi ka kasali, maaari ka pa ring makigulo.
Masasabi kong malaki ang naging impluwensiya ng mga kabarkada ko sa akin at nakiki- HH na rin ako sa kanila nitong mga nakaraang linggo bagamat hindi ganoon kadalas.
Hindi naman kasi ako sanay na ipaalam sa ibang tao ang kalagayan ko, ang nadarama ko, at maging ang mga bagay na nangyari sa akin sa mga nakaraang araw. Ewan. Minsan kasi, pakiramdam ko ay wala naman silang pakialam sa mga napagdaraanan ko sa pang araw- araw na buhay.
"Kamusta ka?" Iyan ang palagiang pambungad na tanong ng taong nagpapasimuno ng HH sa isang araw. Minsan kasi, nagiingay kami tapos mapagtri-tripan na lamang nilang mag HH.
Kadalasang "Okey naman" ang sagot ng mga kasali. Ako? Puro ganoon rin malamang.
Minsan ay Okey lang naman talaga ako. Pero minsan, sa paglabas ko sa room pagkatapos ng HH ay tinatanong ko ang sarili ko-- "Okey lang ba talaga ako?"
Hindi ko alam. Marami akong mga bagay na napagdaraanan sa buhay. Iyong iba ay nadadaldal ko kay Cha at sa iba ko pang mga kaibigan. Pero hindi pa rin lahat. Minsan kasi napapansin ko, pagod na ang mga tao sa paligid ko na makinig sa bawat kwento ng pang araw- araw kong pamumuhay. Syempre, may magagawa pa ba sila? Hindi naman sila kasali doon.
Iyong mga nakaraang mga bagay na napagdaanan ko na dala ng aking katangahan at bunsod ng maling paggamit ko ng ga-butil kong utak ay natanggap ko na at nai- tsismis ko na sa iba. Nagugulat ang iba, natatawa, at may naiinis rin. Pero sa bandang huli, pagkatapos kong i tsismis sa kanila ang bagay na iyon, para bang nakahihinga na ako ng maluwang. Hindi na masyadong tumatakbo at bumabagabag sa isip ko ang bagay na iyon, at unti unti ko na itong malilimutan kapag natabunan na ang alaala nito ng mga mas masasaya pang alaala. Hanggang sa dumating ako sa puntong kapag naalala ko ang bagay na iyon ay wala na akong nadaramang pagsisisi.
Pero may isa pang pangyayaring nagdaan na lalong yumanig sa panatag ko nang mundo. Marahil ay kaparis ito ng mga nakaraang pangyayari, ngunit iba ang nadarama ko sa tsismis na ito.
Dumating ako sa puntong gusto ko nang sabihin ito sa isang matalik na kaibigan na alam kong babatukan ako at titili kapag narinig ang kwentong ito. Pero nagdalawang isip ako. Ewan. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit.
Sa tingin ko ay sasarilinin ko muna ang bagay na ito sa ngayon. Sa puntong ito ay ako, siya, at si Papa God lamang ang nakakaalam nito-- isa na namang pagsubok para kalabitin ako at sabihing, "H'wag kang makulit Kelly! Sobra ka na. Hanggang dyan ka nalang."
Ang bait pa rin Nya. Kahit sa mga pagkakataong maaari nang sairin ng mga taong nakapaligid sa akin ang pagkakataon para may magawang masama tungo sa akin, hindi Nya sila pinapayagan. Wala, walang makatitibag sa akin. Dahil kahit na ilang beses ko Syang sisihin, isnabin, at makalimutang kausapin. Kahit na sa mga oras ng pangangailangan at exams ko lang Sya nagagawang lambingin, nariyan-- at nariyan pa rin Sya para sa akin.
Maaaring talikuran ako ng mga taong nakapaligid sa akin. Ng mga kaibigan ko, o maging ng sarili ko pang pamilya. Pero hindi, hinding hindi ako matatakot maski na kakabahan. Kasi alam ko na kahit talikuran pa man ako ng buong mundo, Sya lang ang matitirang nakaharap sa akin ng nakangiti.
Isang araw, sa oras na itinakda Nya ay matatanggap ko na rin ang katotohanan-- na kahit na ang pinaka malapit at pinaka matagal mo nang kakilala sa mundo ay hindi mo pa rin maaaring pagkatiwalaan ng buong puso. At sa nakatakdang oras na iyon, sa pagitan ng apat na sulok ng silid aralan, masasabi ko ring lahat iyon sa kanila.
At lalabas ako sa silid na iyon ng wala nang dinadalang mabigat na bagay sa aking puso. Sa panahong pinili Nya, mabubunot rin ang tinik na marahang ibinaon sa aking dibdib.
No comments:
Post a Comment